Woman, behold your son…

DCF 1.0Reblogged from http://www.anluwage.com

IKATLONG SALITA: Babae, narito ang iyong anak. Anak, narito ang iyong ina.

Bente anyos lang po ako noong pumasok sa kumbento. At noong unang gabi, hindi ako makatulog kasi na-miss ko ang Mamang ko. Nasanay kasi ako na mag-goodnight kiss bago matulog, at hinahanap-hanap ko yon. Tumayo ako sa higaan at dumungaw sa bintana – sa tapat nito ay may larawan ng Mahal na Birhen. Hawak-hawak ko ang rosaryo habang nakatingin sa larawan, at nagsabi: “Mama Mary, wala na akong bibigyan ng goodnight kiss dito. Malayo na si Mamang. Hindi ko alam kung makakayanan ko ito – ang maging madre. Pero tinawag ako ni Jesus eh. Mula ngayon, ang rosaryo mo ang hahalikan ko. Huwag mo akong pababayaan ha? Kasi mula ngayon, ikaw na lang ang nanay ko. Ikaw na rin ang bahala sa Mamang at sa aking pamilya.”

Babae, narito ang iyong anak. Anak, narito ang iyong ina.

Sa Huling Hapunan, iniwan ni Hesus ang kanyang katawan at dugo sa tinapay at alak upang manatiling kasama natin sa sakramento ng Eukaristia. Pero habang nakabayubay siya sa Krus, inihabilin niya kung ano ang pinakamahalaga niyang kayamanan: ang kanyang ina at ang kanyang alagad. Ipinaampon niya sila sa isa’t isa. Ipinagkatiwala niya sa pangangalaga ng minamahal na alagad ang kanyang ina. At isang bagong tahanan naman ang ibinigay sa alagad – kung saan may isang inang mangangalaga, mag-aasikaso at kakalinga sa kanya.

Babae, narito ang iyong anak.

Hindi niya tinawag sa pangalan si Maria, ni sa taguring ina, kundi babae. Gayon din niya tinawag ang ina noong sabihan siyang naubusan na ng alak ang bagong kasal sa Cana ng Galilea. “Babae, ano ito sa akin at sa iyo? Hindi pa dumarating ang oras.” Babae – hindi Nanay, Ina, Mama, Ima, Mader!

Sa Cana ginawa ni Jesus ang unang tanda, ang unang himala ng kaharian ng Diyos. Sinimulan niyang buuin ang isang bagong pamilya, ang pamilya ng Diyos – at nagsimula rin ang bagong papel ni Maria. Hindi lamang siya ina ni Jesus – nagsimula rin siyang maging ina ng mga alagad ni Jesus.

Sinikap ni Jesus na bumuo ng isang komunidad mula sa simula – pero parang naging bigo siya. Sa Huling Hapunan nagsimulang magkahiwa-hiwalay ang mga alagad. Ipinagkanulo siya ni Judas. Itinakwil siya ni Pedro. Kumaripas ng takbo at nagtago ang ibang mga apostol. Sa labindalawang pinili niyang magpatuloy ng kanyang misyon, isa lang ang nanatili kasama ng kanyang ina sa paanan ng krus.

Sa kalbaryo, dumating na ang oras ni Jesus. At muli, tinawag niya si Maria na Babae. Sa kadiliman ng paghihirap at pighati, ibinigay niya sila sa isa’t isa. Mabubuo ang isang bagong komunidad – mula sa krus ay iluluwal ang isang bagong sangkatauhan. Sa kalbaryo, tinawag niya ang kanyang ina upang maging patuloy na ina ng mga disipulong iiwan niya, ang komunidad ng mga mananampalataya.

Anak, narito ang iyong ina.

Tapos na ang buhay ni Cristo bilang Jesus, pero mananatili siyang buhay sa bawat isang taong sumusunod sa kanya. Kay Juan, ang minamahal na alagad, ipinagkatiwala niya ang kanyang ina upang kupkupin at alagaan ito, at ang simbahang iniluluwal niya, ang sambayanan ng Diyos.

Noong 2011, naintindihan ko kung ano ang ibig sabihin nito. Siyam na taon na akong nasa misyon sa ibang bansa nang magkasakit si Mamang. Sinunod nila lahat ang sabi ng duktor at ininom ang mga gamot na inireseta pero unti-unti siyang nanghina, hindi na makakain hanggang maging bed-ridden ng limang buwan. Humingi ako ng permission na umuwi sa Pilipinas para alagaan siya pero bago ako makauwi, biglang namatay ang Papang ko.

Nagalit ako sa Diyos: “Lord, ano ba ito? Di ba may usapan tayo? Susunod ako sa iyo pero ang hiling ko lang ay huwag mong pababayaan ang pamilya ko? Ganito ka ba magmahal?”

Dumating ako sa burol na puno ng dalamhati at noong araw ng libing natakot kaming magkakapatid. Nanghina si Mamang na parang agaw-buhay na rin. Pinaligiran namin siya at nanalangin sa Panginoon at Mahal na Birhen. “Please lang, Lord, huwag muna ngayon. Baka hindi na namin makayanan kung sabay mo silang kukunin!” Habang nagdadasal kami ay biglang nabuhayan si Mamang. Humingi siya ng pagkain at nakapagtatakang nakaupo siyang bigla. Nagpilit siyang sumama sa misa at sa libing ni Papang na naka-wheelchair.

Pagkatapos, tinanong ko siya kung gusto ba niyang lumabas muna ako ng kumbento, mag-leave of absence, para maalagaan ko siya. Ang sagot niya sa akin: “Noong ibinigay ka namin ng Papang sa Panginoon, ibinigay ka namin ng buong-buo. Hindi ko babawiin yon. Huwag kang mag-alala; gawin mo ang misyon mo. Hindi kami pababayaan ng Diyos!”

Dinala namin siya sa Maynila at saka namin nalaman na misdiagnosis pala at iba’t ibang side effects ng gamot ang nagpahina sa kanya. Ngayon po, 85 na si Mamang at malakas na siya. Abala siya sa Block Rosary, sa pagtuturo ng katesismo sa mga bata, sa Cenacle at Legion of Mary, sa paggantsilyo ng rosary purse, at paminsan-minsan sumasali din siya sa Zumba sa plaza ng Sto. Tomas pagkatapos ng misa.

Anak, narito ang iyong ina.

Oo, mahirap ang buhay. Maraming problema at dalamhati. Sa krus, isang bagong sangkatauhan ang iniluwal ni Jesus. Isang sangkatauhang malayang magmahal, mag-alay ng sarili, magtuturo at magpapalaganap ng dakilang katotohanan na anak tayo ng Diyos at magkakapatid tayo.

Pinapaalala niya sa atin: “Ang ina ko na nagmahal at nangalaga sa akin ay kasama mo. Hindi ka niya pababayaan. Lumapit ka sa kanya… Inihahabilin ko sa iyo, maging ina ka rin. Gaya ng pagtangkilik niya sa iyo, buksan mo ang iyong puso, ang iyong mga kamay, ang iyong buhay sa iyong kapatid – mga kapatid na nangangailangan ng iyong pagmamahal. Patunayan mo na tunay kitang alagad!

“Huwag kang manahimik kung inaapi, pinahihirapan, sinasaktan o pinapatay ang iyong kapatid.

“Huwag kang magbulag-bulagan sa katiwaliang nakikita mo dahil nabibiyayaan ka nito.

“Huwag kang maging ingrata – walang utang-na-loob – sa pagtalikod, pagpapabaya, at hindi pag-aasikaso sa mga matatanda – magulang, kamag-anak, o kahit na hindi mo kakilala.

“Isang pamilya lang tayo – huwag mong ipagkait ang pagpapatawad, pagkalinga at pagmamahal na ibinibigay ko sa iyo araw-araw.”

Totoo po ang sabi ni Mamang. Tapat ang Diyos at hindi niya kami pinabayaan. Katulad ni Maria at Juan, tinatawag niya tayong sumunod sa kalooban ng Ama kahit na magdala ito sa krus. At doon matatagpuan natin ang mga banal at makasalanan, at maririnig ang tinig niyang nagsasabing: “Narito ang iyong ina. Narito ang iyong anak. Narito ako, masdan mo ang mukha ko sa kanila.”

Advertisements

About rosefsp

I am a religious sister (yes, a nun!) from the Daughters of St Paul whose mission is to share the Good News. I love to read, write and take photos.
This entry was posted in Uncategorized. Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

w

Connecting to %s