Ang Milagro ng Grab-Car-Driver at ang Lambing ni Neneng

imageNakakita ka na ba ng milagro? Yung tipong mamamangha ka at mapupuno ng kasiyahan ang puso mo pero mananatiling pipi ang iyong bibig? Tinagpo ako ng milagro hindi sa simbahan kundi sa daan.

Limang minuto na akong naghihintay pero puro puno ang mga tricycle na dumaraan. Napansin ko tuloy ang isang kotseng nag-aatubiling lumiko sa kanto. Medyo naipon na ang mga sasakyang kasunod niya. “Naliligaw siguro,” sa loob-loob ko. Nang mapansin ko na nawala yung signage ng DBCS (Don Bosco Center of Studies), inakala ko na ‘yun ang hinahanap niya. Biglang bumuwelta ang kotse at sinenyasan kong huminto nang dumaan ito sa harap ko. Pagbukas ko ng pinto, tinanong ko kung ano ang hinahanap niya. Pero ang sagot ng driver sa akin:

“Sakay na Sister, saan ba punta niyo?”

“Hay naku, hindi po. Naghihintay ako ng tricycle papuntang SM Bicutan. Akala ko may hinahanap ka o naliligaw.”

“Taga-dito po ako. Sakay na Sister, Grab Car po ito. Ihahatid ko na kayo sa SM. Papunta din ako ng highway.”

Balbas-sarado si Kuya, pero mukha namang disente. Sumakay ako, habang sa loob-loob ko’y nagdarasal: “Angel of God, my guardian dear…”

Nakita ko yung malaking ID ng Grab Car. Nestor L. Ramos ang pangalan niya at heto ang kanyang kwento:

Labimpitong gulang si Nestor nang lumuwas sa Maynila mula sa General Santos. Bunsong anak sa anim na magkakapatid, nakipagsapalaran siya sa lunsod at nakitira sa isang pinsan. Magsasaka ang mga magulang niya, pero gusto niyang maging engineer. Nag-aral siya sa Adamson University at gusto niyang makapagtrabaho. Kailangan niyang kumita dahil butas na ang sapatos niya pero hindi siya matanggap sa mga food chains: Jollibee, Mister Donut, etc. Isang araw, may napulot siyang nobena sa Mother of Perpetual Help sa harap ng simbahan. Dahil nga kailangan niya ng trabaho, pumasok siya sa simbahan at dinasal niya ito. Simula noon, araw-araw niyang dinadasal ito, umaasang baka-sakaling tulungan siya ng Mahal na Ina. Natuto din siyang magsimba araw-araw dahil may misa sa Adamson Church ng 6 AM, 12 noon at 6 PM.

Paglipas ng tatlong buwan, nakahanap siya ng trabaho. Lunes hanggang Biyernes ay nasa school siya, pero kapag Sabado at Linggo ay namamasada siya ng taxi. Nuong una raw, ayaw siyang tanggapin ng mga taxi operators. Sino nga ba ang magtitiwala ng kotse nila sa isang binatilyong tulad niya? Nagpatubo siya ng balbas para medyo tumanda ang hitsura. Isang kaklase na may best friend na taxi-operator ang parents ang nagbigay sa kanya ng break. Sa “Luring Taxi” siya nagsimula.

Maswerte raw siya kasi inalagaan siya ng mga beteranong taxi drivers. Ipinaubaya nila ang weekend sa kanya para kumita siya. Kahit na noon daw, uso na yung 24 oras na pasada. Marami sa kanila ang tumitira ng shabu para hindi antukin dahil mahirap talagang mag-straight na 24 oras. Kaya daw kung may barumbadong taxi driver, minsan epekto na yun ng shabu o ng kawalan ng tulog. Kulang na kulang din daw ang kinikita ng mga taxi drivers, kaya minsan ay namimili ng pasahero dahil sa heavy traffic o hindi nanunukli. Ang mga operators ang yumayaman. Sana daw, maunawaan ng mga pasahero na mahirap maghanap-buhay. Ang kaunting tip na maibibigay nila ay malaking tulong na sa pamilya ng driver.

Pitong taong namasada ng taxi si Nestor, pero nahirapan talaga siya. Nagkanda-bagsak-bagsak din siya sa ilang subjects kaya nuong fourth year na siya, inisip niyang mag-apply sa Don Bosco Technical School sa Makati. Pinagsabay niya ang engineering course at automotive mechanic night classes mula 5:00-8:00. Kung sakaling hindi daw niya matapos ang engineering, at least may fall back siyang trabaho. Natapos niya ito noong 1991 at naka-graduate din siya ng engineering hanggang makapasa sa board at maging licensed mechanical engineer.

Iba-ibang trabaho ang napasukan niya pagka-graduate. Nagtrabaho siya sa Negros Navigation bilang purchasing assistant, plant mechanic sa Coca-Cola at field service engineer sa ibang kumpanya. Nakapag-abroad din siya bilang field service engineer. Nangarap siyang magkaroon ng pamilya at noong 2002 ay ikinasal siya kay Emma na taga-Calamba. Pero tuwing mabubuntis si Emma ay nakukunan ito. Tatlong beses siyang nakunan pero hindi sila nawalan ng pag-asa. Nagsayaw sila sa Obando, nanalangin ng mga nobena at hiningi sa Panginoon ang biyaya na magka-anak. Nagpatingin din sila sa isang espesyalista para malaman ang dahilan sa miscarriage. Matapang daw ang anti-bodies ni Emma. Pero imbes na ipaliwanag sa kanila ang procedure at mga gamot na kailangan, mas interesado daw ang doktor kung ano ang trabaho nila at kung magkano ang kinikita. Sabi niya, siguro daw naniniguro lang yung doktor na matatapos nila ang treatment para hindi masayang.

Dahil wala silang sapat na pambayad at sadya namang napakamahal ng gamot, itinuloy nila ang panalangin sa Panginoon at Mahal na Inang Maria. Hanggang sa magpunta sila sa Kamay ni Hesus sa Quezon at humingi ng panalangin kay Fr. Faller. Dininig ng Panginoon ang kanilang pagsusumamo at noong 2007, ipinanganak ang unang baby nila. Dalawang babae na ang anak ni Nestor at Emma. Ang pangalan nila? Jesu Marie (siyam-na-taon) at Jessa Marie (pitong-taon) – dahil pareho daw silang milagro ng Panginoong Jesus at Mahal na Birheng Maria.

Sa edad na 46, senior mechanical engineer na si Nestor sa kumpanya, kaya per project na ang trabaho niya. Madalas daw ay sa ibang bansa ito. Pero ayaw niyang masayang ang oras kaya bumili siya ng kotse at ginagamit niya ito sa Grab Car kapag libre siya. Naging popular daw ito sa Pilipinas dahil talagang may sinasagot na kakulangan. Hindi kasi maaasahan ang pampublikong transportasyon dito sa atin.

Hindi ba napakaganda ng buhay ni Nestor? Parang isang serye ng mga himala ang nangyari sa buhay niya! Ang daming taong nagbukas ng daan para magkaroon siya ng pagkakataong matupad ang kanyang mga pangarap. Pero nagsikap din siyang tugunin ang lahat ng ito sa sipag, tiyaga, pagpupursigi at katapatan. Hindi lang sa pag-aaral at trabaho, pati na rin sa buhay pamilya at bilang isang Kristiyano. Sabi niya:

“Marami din po akong kamalian at mga kasalanan, mga kahinaan. Pero hindi Niya po ako pinababayaan.”

Napansin ko na may nakasabit na rosaryo sa gilid ng manibela. Sabi ni Nestor, nakaugalian na din niyang magbasa ng Daily Bread araw-araw, at hangga’t maari ay dumadaan siya sa simbahan.

“Mas mainam na po yung nakausap mo na Siya sa unang bahagi ng araw mo, di ba? Siya lang naman talaga ang makakapitan natin, eh.”

Medyo naantig ang puso ko nang marinig ko ito dahil hindi ko inaasahang sasabihin niya yon. Sasagutin ko sana nang may idinugtong pa siya:

“At alam n’yo po, kahit isang beses ay hindi pa ako na hold up. Isang beses pa lang ako naaksidente. Kaya nangako po ako bilang pasasalamat, kung may madre o pari na maisasakay ko, hindi ko sisingilin dahil sila ang nagdadasal para sa atin.”

Paano naikwento lahat ito ni Nestor sa akin? Imbes na ibaba niya ako sa SM Bicutan ay inihatid niya ako sa kumbento namin sa Pasay. May lalakarin din daw kasi siyang papeles sa DTI Libertad, kaya isasabay na niya. Nagulat nga ako pagkasabi niya nito. Kasi, bago umalis sa library ng DBCS, naglambing ako sa Ama, na halos hindi ko ginagawa. Sabi ko: “Magpapadala ka ba ng maghahatid sa akin?” Wala pang sampung minuto pagkasabi ko nito ay dumaan si Nestor sa harapan ko. Ano ang probabilidad na magtatagpo ang landas namin sa araw na iyon? Siguro mga 0.00001%, o marahil ay mas kaunti pa. Si Nestor ang sagot ng Ama sa lambing ko – isang buhay na himala!

Salamat Nestor! Sa dami ng mga balita ng karahasan, korupsyon, pagsasamantala, pag-balewala sa buhay at pagtalikod sa Diyos ng marami, ipinaaalala mo sa amin na ang kaharian ng Diyos ay narito na sa ating piling. Narito siya sa mga taong tulad mo na patuloy na nagtitiwala, sumasampalataya, nagsisikap, nagmamahal, nananalig at nagpapasalamat. Salamat sa mapagpalang aruga ng Mahal na Birheng Maria sa iyo at sa iyong pamilya.

At para sa akin, isa kang patotoo na kasama natin ang Diyos – handang ibigay ang lahat, kahit na ang kanyang Bugtong na Anak – upang makamit natin ang ligayang tunay at walang hanggan. Salamat sa Amang tumugon sa isang simpleng lambing – tunay ngang mapagmahal siyang Ama na nasisiyahang magbigay-galak at pasayahin ang kanyang mga anak. Kung dinidinig niya ang lambing, ano pa kaya ang dasal at pagsusumamo?

Ikaw, kelan ka huling naglambing sa Diyos? Lambing na! Siguradong may milagro din siyang inilalaan para sa iyo.

Share mo naman dito kung meron.

 

 

 

Advertisements

About rosefsp

I am a religious sister (yes, a nun!) from the Daughters of St Paul whose mission is to share the Good News. I love to read, write and take photos.
This entry was posted in Uncategorized and tagged , , , , , , , , , , . Bookmark the permalink.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s